Tuesday, March 10, 2009

Panunuring Pampelikula: "PLONING"



Noong nakaraang taon, ipinalabas ang Ploning sa Pilipinas. Ito'y nkakuha ng "A" rating mula sa Cinema Evaluation Board. Ito'y nasa direksyon ni Dante Nico Garcia at si Judy Anne Santos na gumanap bilang Ploning. Sinubukan nila na makapasok sa Oscar;'s ngunit nabigo ang mga ito. Hindi man ito nakapasok sa finalist ng Oscar's, ang kagandahan at kakaibang kuwento na ipinakita ng Ploning sa Pilipinas ay sapat na sa manonood. Ibang-iba ang Ploning sa mga komersyal na pelikulang nililikha ngayon. Ipinakita nito ang likas na kagandahan ng Pilipinas. Hindi sa Maynila ang lugar na pinagkuhaan ng pelikula, ito'y sa Cuyo na isang isla sa Palawan. Ipinakita nito ang kultura ng mga Pilipino na ating puwede ipagmalaki.

Ang Ploning ay nagsimula sa pagtutugtog ng isang katutubong kanta ng Cuyonon. Ito ay isang kuwento ng isang 30-anyos na dalaga na nakatira sa Cuyo. Siya ay bigo sa pag-ibig at iniwan ng kanyang minamahal. Si Tomas ang nobyo ni Ploning ngunit siya ay iniwan noon 16 anyos siya at pumunta ng Maynila. Simula noon, hindi na muli pa Sa pista ng Cuyo, dumating ang ilegal na barko mula sa Taiwan kung saan nagtrabaho ng 25 taon si Digo. Si Ploning ang nagsilbing nanay ni Digo noong bata pa siya dahil paralisado ang ina ni Digo na si Juaning. Bumalik si Digo sa Cuyo upang balikan ang kanyang nakaraan.

Si Ploning ay isang napaka-halagang tao sa paligid niya. Siya ay nagsilbing ate sa mga anak ni Nieves at Toting. Sina Nieves at Toting ay ang kanilang katiwala. Siya rin ang nagbabasa at nagsusulat ng liham para sa kapitbahay nilang si Alma. Siya rin ang naging karamay ni Intang sa pagka-lungkot nito. Si Intang ang ina ni Tomas. At higit sa lahat, ang naging ina ni Digo noong bata pa siya. Hindi man tunay na anak ni Ploning si Digo, itinuring at inalagaan niya ito parang isang tunay na anak.

Sa pelikula, si Ploning ay sinabing madamot sa pagpapakilala ng sarili at puso niya. Katulad ng mga karakter sa pelikula, naramdaman ko na ako'y isa sa mga karakter sa patuloy na paghahanap ng pagkatao ni Ploning. Siya ay isang simpleng babae na may makapangyarihang pagkatao na pilit sinusundan, inaalam at nilalapitan upang hingan ng lakas. Sa kanyang katahimikan natagpuan ng kanyang mga kababayan ang kani-kanilang sarili. Sa kabila ng katahimikang ito ang misteryong maghuhubad sa kanyang pinanggagalingan. Sa huli, mas lalo siyang hahangaan sa dakila niyang puso.

Magaling ang mga nagsipagganap sa pelikula. Sila ay magagaling umarte at nakuha nila ang emosyon ng mga manonood. Kakaibang Judy Ann ang mapapanood sa Ploning. Siya ay isang tahimik lamang ngunit napakita niya ang emosyon na gustong niyang iparating. Iba rin ang ipinakitang galing ng batang aktor na si Cedric Amit bilang Digo. At ang iba pang artista na sina Tessie Tomas, Gina Pareno, Mylene Dizon, Eugene Domingo, Tony Mabesa, Ces Quesada, Ketsup, at Meryl Soriano na talaga naman nagampanan ng mahusay ang kanilang karakter.

Upang maintindihan ang daloy ng istorya, kailangan nakatutok ka ng mabuti sa pelikula sapagkat ang bawat pangyayari ay mahalaga at may koneksyon sa isa't isa. At sa isa pang rason, ay kung hindi ka nkakaintindi ng salita ng mga Cuyonon, kailangan basahin mabuti ang mga translation nito upang maintindihan.

Hindi lamang normal o ordinaryo ang daloy ng istorya, sa bawat pupuntahan ni Digo na lugar sa Cuyo noong bumalik siya, nagkakaroon ng mga flashback sa mga pangyayari sa lugar na iyon. Dito natin malalaman ang koneksyon ng mga nakaraang pangyayari sa kanyang buhay. Masasabi ko na napaka-lawak ng imahinasyon ng nagsulat ng kuwentong ito at naisip niya na sa ganoong paraan ilahad ang kuwento.

Pagdating naman sa disenyong produksyon, angkop na angkop ang mga costumes sa mga nagsiganap. Nadala din ng kanilang mga suot ang kanilang karakter sa pelikula. Sa mga props naman, ito'y nakatulong ng mabuti sa pelikula. Sa paanong paraan? Maraming simbolo ang ginamit sa pelikula. Katulad na lamang ng importansya ng lychee kay Digo. Ang paboritong pagkain ni Digo at Ploning ang lychee. Pinapayagan lamang siya ni Ploning na kumain nito pag may espesyal na pagdiriwang katulad ng pista at kaarawan. Kaya hanggang sa magtrabaho na sa barko si Digo, ang pagkain ng lychee ay nanatiling importante sa kanya. Nagalit siya ng binuksan ang lata ng lychee ng kanyang katrabaho sapagkat napaka-importante nito sa kanya.

Sa kabuuan, bibigyan ko ng 8 over 10 ang Ploning sapagkat marami pa rin naiwan na katanungan sa aking isipan na kahit ilang beses ko panoorin ay waring hindi ko maiintindihan. Sana ay medyo binawasan nila ang twist ng sa ganoon ay mas naintindihan ito kahit isa panooran lang. Ngunit sa iba pang aspekto, ang Ploning ay napaka-ganda na pelikula. Isang pelikula na tumatak sa isipan ng manonood sa bigat ng damdamin na pinakita ng bawat karakter dito. Sa bawat emosyon na kanilang binigay at mga leksyon na kanilang ipinamahagi.

1 comment: